PINATAY SA LOOB? City health worker, nakitang patay at may saksak sa loob ng kaniyang sasakyan
Duguan at wala nang buhay nang matagpuan sa loob ng kaniyang sasakyan sa Jasaan, Misamis Oriental, ang isang kawani ng City Health Office sa Gingoog City. Ang biktima, may mga saksak sa katawan.
Sinabing nakita ang biktima sa loob ng kaniyang sasakyan noong Sabado, na may mga saksak sa dibdib at leeg.
Ayon sa pulisya, nakita pa ang biktima noong Biyernes ng gabi na bumibili ng alak sa Gingoog City.
“Adunay samad sa iyang chest portion ug sa iyang liog. Base sa CCTV ni agi siya ug Claveria, from Claveria paingon sa Jasaan kani nga rota ang gi agihan sa maong sakyanan,” ayon kay Police Regional Office-Northern Mindanao (PRO-10) Spokesperson, Police Major Joann Navarro.
Nakita sa loob ng sasakyan ang bote ng alak pero nawawala ang mga gamit niya gaya ng cellphone, bag at pera.
Pagnanakaw ang tinitingnan ng pulisya na motibo sa krimen.
Hinala pa ng mga awtoridad, maaaring patay na ang biktima nang iwan ang kaniyang sasakyan sa lugar kung saan ito nakita.
Sinusuri na ng pulisya ang CCTV footage na maaaring makatulong para matukoy kung sino ang salarin.

No comments: