BINARIL SA ULO? Bus driver, tinaniman ng bala sa ulo ng ‘pasahero’, patay din



Isang bus driver ang patay nang taniman ng bala sa ulo ng isang lalaking nagpanggap na pasahero habang namamasada sa Antipolo City noong Biyernes ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si alyas ‘Jefferson,’ nasa hustong gulang, at residente ng Barangay Bagong Nayon, Antipolo City.

Samantala, nakatakas naman ang 'di kilalang suspek na inilarawan lamang na nakasuot ng itim na jacket, na may hoodie, gayundin ang lalaking kaniyang kasabwat sa pagsasagawa ng krimen.

Batay sa ulat ng Antipolo City Police, dakong alas-2:50 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa kahabaan ng Marcos Highway, malapit sa Kanto Padilla, sa Barangay San Isidro, Antipolo City.

Nauna rito, kasalukuyan umanong namamasada ang biktima nang pagsapit nila sa naturang lugar ay pumara ang gunman, na nagpanggap na pasahero.

Sumakay umano ng bus ang gunman at nagtanong sa biktima kung magkano ang pamasahe hanggang Cubao.

Nang sumagot umano ang biktima ng ‘P88,’ ay kaagad nang bumunot ng baril ang suspek at walang sali-salitang binaril sa ulo ang biktima.

Nang matiyak na napuruhan ang biktima, mabilis nang bumaba ng bus ang gunman at tumakas patungo sa direksiyon ng Sitio Cabading, lulan ng isang motorsiklo, na minamaneho ng kanyang kasabwat na nakasuot ng helmet.

Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad sa krimen upang matukoy kung sino ang may kagagawan ng krimen at ano ang motibo nila sa pagpatay. 


No comments:

Powered by Blogger.