DAPAT MAKULONG! Gurong nangmolestya ng estudyante sa Tondo, iniimbestigahan na ni DepEd Sec. Angara
Nagbigay ng komento si Department of Education (DepEd) Sec. Sonny Angara kaugnay sa napabalitang gurong nangmolestiya at namilit magpakain ng ipis sa isa pang estudyanteng nakahuli sa kaniya sa Tondo, Maynila.
Ayon sa naging pahayag ni Angara nitong Huwebes, Disyembre 18, sinabi niyang mali talaga ang ginawa ng naturang guro at hindi niya raw dapat talaga ginawa iyon.
“Masyadong mali talaga ‘yong ginawa ng teacher. Hindi dapat ginagawa ‘yon,” pagsisimula niya.
Kinumpirma rin ni Angara na iniimbestigahan na ngayon ang guro at ang naturang insidenteng kinasangkutan nito.
Ani Angara, baka raw kailangan na ng isailalim sa psychological test ang mga kaguruan dahil baka dumaan ang iba sa mga ito sa mental health issues.
“We need to really train our teachers very well. Screen them. In fact, baka dapat may psychological testing tayo. Baka minsan may mental health issues na [ang isang guro],” saad niya.
Pagpapatuloy ni Angara, masyado raw nakatuon ang lahat sa pagdisiplina sa mga bata ngunit baka kailangan din umanong disiplinahin ang mga guro at kawani ng bawat paaralan.
“Kasi minsan naka-focus tayo doon sa counseling sa mga bata. Nakakalimutan natin, baka dapat ang kailangan ang disiplinahin din ‘yong mga teachers at saka mga non-teaching staffs,” pagdidiin niya.
Matatandaang isang lalaking guro sa Tondo, Maynila ang umano’y inaresto matapos ireklamo ng pananakit ng isang 12-anyos na babaeng estudyante at pinilit pang kumain ng ipis matapos umanong mahuli ang ginagawa ng guro, na sekswal na pangmomolestya sa isa pang babaeng estudyante sa loob ng palikuran ng paaralan, ayon sa Manila Police District (MPD).

No comments: