TINANGGALAN? LTO chief, iniutos na suspendihin ang driver’s license ng lalaking rider na nanakit ng babaeng rider sa Caloocan
Iniutos ng hepe ng Land Transportation Office (LTO) na suspindehin ng 90 araw ang driver’s license ng isang lalaking rider na nag-viral sa social media ang video matapos umanong manakit ng isang babaeng rider sa Camarin Road, Caloocan City.
Sa isang pahayag ngayong Biyernes, sinabing nagpalabas din si LTO Chief, Assistant Secretary Markus Lacanilao ng Show Cause Order (SCO) laban sa naturang lalaking rider at rehistradong may-ari ng motorsiklong gamit niya nang mangyari ang insidente.
Lumilitaw umano sa paunang imbestigasyon, na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawang rider at isang driver ng tricycle. Humantong ito sa pagsugod at pananakit ng lalaking rider sa babaeng rider na naghihintay noon ng “booking.”
Sa viral video, inaakusahan ang lalaking rider na nangti-trip umano. May mga security guard naman na nagtangkang mamagitan sa gulo hanggang sa tuluyang umalis ang lalaking rider.
Nakasaad sa SCO na inaatasan ang lalaking rider at may-ari ng motorsiklo na humarap sa itinakdang hearing sa LTO Central Office, East Avenue, Quezon City sa Enero 6, 2026.
“Kinakailangan nilang magsumite ng verified o sinumpaang komento/paliwanag kung bakit hindi dapat masampahan ng administratibong kaso ang rider bilang isang Improper Person to Operate a Motor Vehicle, alinsunod sa umiiral na mga alituntunin at regulasyon ng LTO,” ayon sa pahayag.

No comments: